Monday, June 4, 2012

Soil houseF itinayo sa Jubilee Homes


Fr. Dars Cabral (kaliwa) at Fr. Dennis Espejo habang nakatayo sa harap ng soil house sa Jubilee Homes sa bayan ng Plaridel.


PLARIDEL, Bulacan—Nakatakdang magbalik sa bayang ito ang mas malaking grupo ng mga-aaral na Koreano upang magtayo ng bahay na yari sa lupa.

Ito ay matapos na magtayo ng katulad na bahay sa Jubilee Homes sa Barangay Lumang Bayan dito ang limang mag-aaral arkitektura ng Mokpo National University (MNU) sa South Korea .

Ang Jubilee Homes ay isang proyektong pabahay ng Diyosesis ng Malolos para sa mga biktima ng mga bagyong Ondoy, Pedring at Quiel.

Ayon kay Father Dennis Espejo, kura ng parokya ni Santiago Apostol sa bayang ito, layunin ng mga mag-aaral na Koreano na maipakita ang paggamit ng mga pangkaraniwang kagamitan sa pagtatayo ng bahay.

“Every year, Mokpo National University sends students to Plaridel for community immersion, tapos nakita nila yung Jubilee Homes kaya nagtayo sila ng soil house,” ani Espejo na siya ring tagapangulo ng Commission on Service ng Diyosesis ng Malolos.

Ikunuwento niya na ang soil house sa Jubilee Homes ay itinayo ng mga Koreano kasama ang may 20 kabataan mula sa bayang ito.

Ipinagmalaki ni Espejo na bukod sa maliit ang gastos sa pagtatayo ng soil house ay matibay din ito.

“It’s very strong and very cheap because they only used soil and bamboo sticks,” ani ng pari at sinabing ang soil house ay natapos loob ng 10 araw lamang.

Ang soil house na kanilang itinayo ay may isang kuwarto, kusina, sala at banyo.

Ang mga pader ng bahay ay may taas na pitong talampakan. Ito ay yari sa lupang hinukay sa di kalayuang gulayan, pagkatapos ay pinaikpik at nilagyan ng kawayan sa gitna.

Ayon kay Espejo, mas madadagdan pa ang soil house sa Jubilee Homes dahil sa susunod na taon ay inaasahang darating ang mas malaking grupo ng mag-aaral na Koreano kasama ang mga dalubhasa sa paggawa ng soil house.

Ikunuwento rin ng pari na sa kanilang pagbisita sa Korea noong nakaraang taon, ipinakita sa kanila ang mga gusaling yari sa lupa, kabilang dito ang mga  paaralan na may tatlong palapag.

Gayunpaman, nilinaw ni Espejo na ang mga poste ng gusaling yari sa lupa ay yari naman sa kongretong semento ay may bakal.

Ang mga nasabing gusali ay itinayo na mas madalang ang bakala na ginamit.

Ngunit para sa mga bahay na bungalow o isang palapag lamang na tulad ng nakatayo sa Jubilee Homes, walang ginamit na steel frame.

Kaugnay nito, hindi natuloy ang pagpapasinaya sa Jubilee Homes noong Mayo 15 dahil sa hindi pa nakapaglalagay ng instalasyon ng kuryente sa mga poste ang Manila Electric Company (Meralco).

Ayon kay Father Dars Cabral, ang tagapangulo ng Commission on Social Communication ng Diyosesis ng Malolos, malaki ang posibilidad na bago matapos ang buwan ng Hunyo ay masimula na ang paglilipat ng pagmamay-ari ng mga bahay.

“Baka sa June ay matuloy na na ang awarding ng certificate of ownership sa unang 100 beneficiaries,” ani Cabral.