Tuesday, July 10, 2012

Selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon, nagsimula na sa Bulacan



ni Vinson F. Concepcion

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 4 (PIA) -- Sinimulan na ng
pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang taunang selebrasyon ng Buwan
ng Nutrisyon sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito nitong
lunes.

Ayon kay gobernador Wilhelmino M. Sy- Alvarado, alinsunod sa
Presidential Decree No. 491 o “Nutrition Act of the Philippines,”
isinasagawa taun-taon ang iba’t ibang programang pang-nutrisyon kung
saan ang tema ngayon taon ay “Pagkain ng gulay ugaliin, araw-araw
itong ihain.”

“Layunin ng pagdiriwang ang patuloy na gisingin ang kamalayan ng
publiko tungkol sa kahalagahan ng wastong nutrisyon. Ngayong taon,
lalo pang pinaigting ang kampanya upang mahikayat ang lahat ng sektor
ng ating lipunan na kumain ng gulay para sa dagdag na sustansya sa
katawan at upang maiwasan ang mga sakit tulad ng diabetes at kanser,”
anang gobernador.

Kabilang din sa mga isasagawang aktibidad ay ang pagsasagawa ng iba’t
ibang gawain sa mga bayan at lungsod tulad ng food festival, cooking
contest, poster at slogan-making contest sa mga paaralan, at
information forum.

Isasagawa rin ang Malunggay Cooking Contest na lalahukan ng mga
Lingkod Lingap sa Nayon at Mother Leader sa bawat bayan at lungsod
kung saan ang lahat ng mga nanalong recipes ay pagsasama-samahin upang
makabuo ng recipe book na Lutong Bulakenyo.

Magkakaroon din ng pagtitipon ang 803 may-ari ng panaderya at panadero
sa Kongreso ng mga Panadero kung saan sila ay bibigyan ng kaalaman at
pagsasanay ng Department of Science and Technology-Food and Science
Research Institute tungkol sa paglalagay ng gulay tulad ng malunggay
sa pandesal.

Magtatapos ang mga gawain sa Buwan ng Nutrisyon sa pagbibigay ng
karangalan sa mga natatanging bayan, barangay at Lingkod Lingap sa
Nayon na nagkaroon ng makabuluhang programa sa nutrisyon para sa taong
2011. (CLJD/VFC-PIA3)

No comments:

Post a Comment