Monday, March 5, 2012

Breastfeeding – pinakamainam kay baby at mommy!



Walang makatatalo sa gatas ng ina para sa kalusugan ng mga sanggol.

Ayon sa mga dalubhasa, ang gatas ng ina ang pinakamasustansiyang pagkain para
kay baby.

Kayang ibigay ng gatas ng ina ang lahat ng sustansiyang kailangan ng sanggol sa
unang anim na buwan ng kanyang buhay, ayon pa rin sa mga eksperto.

Taglay ng breastmilk ang mga sustansiyang kailangan ni baby sa tamang
proporsyon at dami ng sustansiyang kinakailangan ng sanggol sa unang anim na
buwan ng kanyang buhay.

Ito ay madaling matunaw at ma-absorb ng sanggol at hindi din ito nagdudulot ng
allergy.

Ang gatas ng ina ay malinis at laging available sa tamang temperatura, kaya ang
sanggol ay hindi makakaranas ng pagtatae o diarrhea.

Ang pagpapasuso o breastfeeding ay masasabing magandang karanasan ng isang
babae.

Sa pagpapasuso ay lalong napapalapit ang anak sa ina dahil damang-dama ng
sanggol ang init ng pagmamahal na nagmumula sa dibdib ng ina.

Ang pagpapasuso ay napakahalaga dahil ito ay maalwan o magaan para sa ina at
sanggol, walang gastos, hindi na kailangang maghugas at mag-sterilize ng mga
bote at tsupon at hindi na paghihintayin nang matagal si baby para makasuso.
Hindi na rin kailangang bumangon sa gabi para ipagtimpla ng gatas ang anak dahil
ang gatas ng ina ay instant at laging available kahit anong oras.

Para sa ina, nakatutulong ang pagpapasuso upang maibalik sa normal na laki ang
kanyang matris.

Ang tuloy-tuloy na pagpapasuso o iyong madalas at walang patlang na pagpasuso
sa loob ng unang anim na buwan at mahigit pa dito ay makakatutulong rin sa pag-
iwas sa agarang pagbubuntis ng ina.

Ang pagpapasuso ay nakapagpapababa din ng posibilidad na magkaroon ng breast
cancer ang isang ina.

Kaya’t halina, ating hikayatin ang lahat ng kababaihang buntis at balak magbuntis
na piliing ibigay ang gatas ng ina sa kanilang mga sanggol.

Tandaan, ang pagpapasuso ang isa sa pinakamahalagang
mapangalagaan ang mga bata laban sa malnutrisyon.

Ayon sa pangalawang mensahe ng Gabay sa Wastong Nutrisyon o Nutritional
Guidelines for Filipinos na binalangkas sa pamumuno ng Food and Nutrition
Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-
DOST), “Pasusuhin ang sanggol ng gatas ng ina laman mula pagkasilang hanggang
anim na buwan at saka bigyan ng mga angkop na pagkain habang pinapasuso pa.”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagkain at nutrisyon, lumiham
o tumawag kay Dr. Mario V. Capanzana, Director, Food and Nutrition Research
Institute-DOST, Bicutan, Taguig, Metro Manila, Tel. No. 837 2934 or 837 2071 loc.
2287, email: mvc@fnri.dost.gov.ph, website: http://www.fnri.dost.gov.ph. (FNRI-
DOST S & T Media Service/DVA/PIA 3 Bulacan)

No comments:

Post a Comment