MALOLOS (Aug 31)—Umaasa ang mga opisyal na tuluyan ng mapupuksa ng naimbentong patibong angmga lamok na naghahatid ng kinatatakutang sakit na dengue sa lalawigan.
Ito ay matapos maglagay ng 100 patibong na tinatawag na orvicidal/lavicidal trap (OL trap) sa Barasoain Memorial Elementary School sa lungsod na ito noong Bkiyernes, Agosto 26,
Ang mga nasabing OL trap ay ipinagkaloob sa lalawigan ni Dr. Victor Mariano, ang direktor ng Department of Science and Technology (DOST) sa Gitnang Luzon kaugnay ng inilunsad na malawakang kampanya sa pagpuksa sa lamok noong araw na iyon.
Bukod sa nasabing mga patibong, sinabi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na humiling pa sila ng mga katulad na patibong mula sa Department of Health (DOH), na ayon naman sa opisyal ng Provincial Public Health Office ay ilalagay sa ibat-ibang paaralan sa lalawigan.
Ito ay dahil na rin sa mas malaking bahagi ng kabuuang 3,561 kaso ng dengue na naitala sa lalawigan mula Enero hanggang Agosto 19 ay mga kabataang nasa pagitan ng isa hanggang 17 taong gulang na tinatawag na “school age.”
“Umaasa kami na mababawasan na ang kaso ng dengue sa Bulacan, ngunit hindi pa rin natin ititigil ang kampanya sa kalinisan,” ani Gob. Alvarado.
Binigyang diin niya na hindi pa sapat ang mga OL traps na ipinagkaloob ng DOST sa Bulacan, kaya’t humiling pa sila ng higit na marami mula sa DOH.
Ayon kay Mariano, kasalukyan pa ang mass production ng mga OL traps, at sa kalagitanaan pa ng Setyembre ito ilalabas.
“Hindi pa available commercially ang OL traps, by second week of Septembre pwede na. For the mean time, kakaunti pa lang maiibigay ng gobyerno,” ani Mariano na nagmula sa bayan ng Pulilan.
Ayon kay Dr. Joycelyn Gomez, hepe ng PPHO, kapag dumating ang mga hiniling na OL trap mula sa DOH ay ipamamahagi nila ito sa ibat-ibang paaralan sa lalawigan.
Ito ay dahil na rin pagbabalik eskwela ng dengue kung saan ay maraming kabataang mag-aaral ang naitalang nagkasakit mula ng magbukas ng klase nitong Hunyo.
Bilang isang imbensyon ng DOST, ipinaliwanag ni Mariano na ang OL Trap ay isa lamang sa maraming paraan upang mapuksa ang mga lamok.
Binigyan diin niya na mabisang paraan pa rin ang paglilinis ng kapaligiran partikular na ang mga lugar na maaaring pangitlugan ng lamok.
“OL Traps are good, but we must not forget to maintain cleanliness to prevent mosquitoes from breeding again,” aniya.
Ang OL trap ay naimbento at dinisenyo ng DOST ngunit ang nagsasagawa ng produksyon nito ay ang Heritage Veterinary Corporation, na nakabase sa Brgy. San Gabriel, Sta. Maria, Bulacan.
Ayon kay Mariano, ang mga OL Trap ay epektibong panlaban sa lamok ngunit sa ikalawang linggo pa ito ng Setyembre maibebenta sa mga tindahan.
Ang OL Trap kit ay binubuo ng isang basong plastic na kulay itim, isang patpat na yari sa lawanit na nakakatulad ng malaking stick ng ice drop, at tubig na may gamot na pamuksa sa itlog ng lamok.
Ayon kay Mariano ang lawanit strip ay may pabango na umaakit sa lamok upang doon dumapo at mangitlog.
Kapag dumapo sa lawanit strip ang lamok, gugulong pababa sa tubig ang itlog nito.
Hindi na mabubuo ang itlog ng lamok dahil ang tubog sa loob ng basong itim ay may OL pellets o gamot na pamatay sa itlog ng lamok.
Sa ganitong paraan, mapipigil ang pagdami ng lamok at tuluyang mapupuksa ang dengue.
Ipinaliwanag din ni Mariano na makalipas ang limang araw ay dapat palitan ang tubig sa basong itim dahil nawawalan iyon ng bisa.
Kailangan lamang palitan ng tubig sa baso at lagyan muli ng OL pellet na ang isang sachet ay mabibili lamang ng P1.50. bawat isa.
Binanggit pa niya na ang mga OL traps at kailangang ilagay sa madidilim na bahagi ng bahay katulad ng ilalim ng banggera o kaya ay sa ilalim ng mesa at maging sa mga halaman sa loob at labas ng bahay. Ito rin ang dahilan kung bakit kulay itim ang basong kasama sa OL Trap kit.
Samantala, patuloy ang pagtaas ng benta ng mga kagamitan at gamot na panlaban sa lamok sa lalawigan.
Isang halimbawa ay ang benta ng mga kulambo at mga Off-lotion sa mga pangunahing botika sa SM Baliuag. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment